Niratipikahan na ng Senado ang Bicameral Conference Committee report para sa Senate Bill 2455 at Hosue Bill 9713 o ang Self-Reliant Defense Posture Revitalization Bill.
Layon ng panukalang ito na buhayin muli ang self-reliant defense posture (SRDP) program na naipatupad sa Pilipinas noong 1970s.
Ayon kay Senate President Pro Tempore at Committee on National Defense Chairman Senador Jinggoy Estrada, layunin ng panukalang maging gawang Pinoy, gawang Pinas at sariling atin ang mga sandata, sasakyan at iba pang mga kagamitan ng ating mga sundalo, pulis at mga tagapagpatupad ng batas.
Sinabi ni Estrada na bukod sa pagtugon sa pangangailangan ng ating Sandatahang Lakas at Tanggulang Pambansa, inaasahan ring makapagbibigay ito ng trabaho sa mga Pilipino.
Idinagdag naman ni Senador Juan Miguel Zubiri na isinusulong rin ng panukala na mabawasan na ang pagdepende ng Pilipinas sa mga dayuhang supplier ng mga defense equipment.
Ito ay para aniya masiguro na makakaya nating maipagtanggol ang ating sarili kahit pa hindi na tayo kayang suplayan ng ibang mga bansa ng military vessels, equipment at ammunitions. | ulat ni Nimfa Asuncion