Sinabi ni Agri Party-list Representative Wilbert Lee na dapat nang bigyan ng alternatibong pagkakakitaan ang tinatayang 19,000 na mga mangingisdang apektado ng oil spill mula sa lumubog na MT Terranova.
Sa kanyang inihain na House Resolution no 1825, nais ni Lee na masuri ang epekto ng oil spill sa kalikasan at kabuyahan ng mga fishermen at residente ng Limay, Bataan.
Ito aniya ay upang maipatupad ng gobyerno ang kinakailangang intervention at maasistihan ang komunidad at mapanagot ang sangkot sa aksidente.
Diin ng Partylist solon, libo-libong mga mangingisda mula Bataan at Bulacan ang maaring mawalan ng kabuhayan sa loob ng ilang buwan dahil sa oil spill, kung saan tinatayang nasa ₱146-million ang mawawalang halaga ng kita kada buwan.
Aniya, kailangan na mabilisan ang pagtukoy ng mga apektadong komunidad at pamamahagi ng ayuda at livelihood lalo na kapag nagdeklara na ng “fishing ban” sa mga apektadong lugar.
Panawagan ng mambabatas sa gobyerno, magdoble kayod sa pagpapatupad ng programa gaya ng TUPAD ng Department of Labor and Employment (DOLE). | ulat ni Melany Valdoz Reyes