Umabot na sa 13 ang namatay sa sakit na leptospirosis sa Quezon City.
Sa kabuuang bilang ng nasawi, anim ay mula sa District 5, tatlo dito ay mula sa Barangay Nagkaisang Nayon, tig-isa sa Barangay Bagbag, Fairview at San Agustin.
Tatlo sa District 2, dalawa sa Barangay Commonwealth at isa sa Barangay Payatas B, habang dalawa sa District 4 mula sa Barangay Laging Handa at San Vicente at isa sa Barangay E. Rodriguez sa District 3 at Barangay Tandang Sora sa District 6.
Batay sa ulat ng Quezon City Epidemiology and Surveillance Unit, mula Enero 1 hanggang Agosto 1, 2024, nakapagtala na ng 105 kaso ng leprospirosis sa lungsod.
Ngayong panahon ng tag-ulan, nagpaalala ang QC local government unit (LGU) na mag ingat at magsuot ng proteksyon sa paa, sa paglusong sa tubig baha.
Nakukuha ang leptospirosis sa ihi ng hayop tulad ng daga.
Pinapayuhan ang lahat na pumunta kaagad sa health center o pagamutan kung may maramdamang sintomas ng leptospirosis. | ulat ni Rey Ferrer