Pumalo na sa 305 ang bilang ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) na piniling umuwi sa Pilipinas matapos maipit sa sigalot sa Lebanon.
Ito ang inihayag ng Department of Migrant Workers (DMW) matapos na umuwi kahapon ang may 16 na OFW sa ilalim naman ng repatriation program ng pamahalaan.
Kabilang sa mga nakauwi ang household service worker na si Francisca Castillo na 40 taon nang nagtatrabaho sa Lebanon.
Laking pasalamat ni Castillo sa repatriation program ng pamahalaan lalo’t umiinit pa ang tensyon sa pagitan ng Israel at ng grupong Hezbollah.
Kabilang si Castillo sa mga tumanggap ng tig-P75,000 mula sa DMW Aksyon Fund, karagdagang 7P5,000 mula naman sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at P20,000 mula naman sa DSWD.
Nananatili ang Alert level 3 status na itinakda ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa Beirut kaya’t puspusan ang ginagawang panghihikayat ng Pamahalaan sa mga Pilipino roon na lumikas na habang bukas pa ang mga paliparan doon. | ulat ni Jaymark Dagala