Kasabay ng pagdiriwang ng ika-120 na anibersaryo ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ay pormal nang isinapubliko ng ahensya ang bago nitong logo.
Ayon kay BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr., nilikha ang bagong logo sa pamamagitan ng kontribusyon ng taxpayers at mga kawani ng ahensya.
Sumisimbolo aniya ito sa inklusibong pamamaraan ng BIR sa pakikitungo sa mga nagbabayad ng buwis, tungo sa Bagong Pilipinas.
Samantala, binuo naman ng BIR ang bagong web portal sa tulong ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na layong gawing mas accessible ang mga serbisyo para sa taxpayers gaya ng tax information, BIR updates, at eServices.
Kasunod nito, ipinagmalaki rin ng BIR chief ang mga bagong tagumpay ng ahensya partikular ang 100% Nationwide ISO Certification sa mga serbisyo ng BIR sa Operations Group (Revenue Regions, Revenue District Offices), at Large Taxpayer Service (LTS).
Ayon kay Lumagui, ito na ang Bagong BIR sa ilalim ng Bagong Pilipinas.
“Ang aming 100% Nationwide ISO Certification, bagong BIR logo, at bagong BIR web portal ay nagsisilbing simbolo ng aming katapatan sa Bagong Pilipinas. Ang tagumpay na ito ay hindi lamang tagumpay ng BIR, ito rin ay tagumpay ng ating mga taxpayers na makakaranas ng mas-maganda at mas-mabilis na serbisyo sa aming ahensiya. Ito po ang Bagong BIR, sa Bagong Pilipinas,” pahayag ni Commissioner Lumagui. | ulat ni Merry Ann Bastasa