Nananatiling normal ang pamamasada ng mga jeepney sa Pasig City sa kabila ng ikinasang tigil-pasada ng grupong MANIBELA ngayong araw.
Gayunman, mahigpit na tinututukan ng mga awtoridad ang bahagi ng Caruncho ave. kung saan inaasahang magtitipon-tipon ang grupo para magsagawa ng kanilang programa.
Maraming Jeepney ang pumapasada buhat pa kaninang madaling araw hanggang sa sumapit ang rush hour dakong alas-7 ng umaga.
Ayon naman sa Pasig Traffic, sakaling may mamataang pag-iipon ng mga pasahero, normal lamang ito gayung Lunes, balik-trabaho at balik-eskuwela.
Bagaman may ilang tsuper ng jeepney ang nagsabing mag-iipon lang sila ng pang-kain, may ilang mas pipiliing igugol ang buong araw sa pamamasada kaysa sa umuwing gutom ang kanilang pamilya. | ulat ni Jaymark Dagala