Mahigpit pa ring binabantayan ng PHIVOLCS ang aktibidad ng Bulkang Kanlaon sa Negros Island.
Kasunod ito ng naitalang patuloy na pagbuga ng mataas na lebel ng volcanic SO2 ng bulkan.
Sa monitoring ng PHIVOLCS, umabot sa 6,720 tonelada ng sulfur dioxide ang ibinuga ng Bulkang Kanlaon na pangalawang pinakamataas na sukat na naitala ngayong taon.
Bukod dito, mayroon ding naitalang 19 volcanic earthquake sa nakalipas na 24-oras sa bulkan.
Ayon pa sa PHIVOLCS, patuloy pa rin ang pamamaga ng bulkan na senyales na may pagkilos ng magma sa ilalim ng bulkan.
Sa ngayon, nakataas pa rin ang Alert Level 2 (increasing unrest) sa Bulkang Kanlaon na nangangahulugan na may kasalukuyang mababaw na aktibidad pa rin sa bulkan at maaaring humantong sa pagputok o mas higit pang mapanganib na magmatic na pagsabog. | ulat ni Merry Ann Bastasa