Sa pagitan ng alas-7:15 hanggang alas-7:23 kagabi, August 2, nagparamdam ng tatlong mahihinang phreatic eruption ang Taal Volcano sa Batangas.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), nangyari ito sa main crater ng bulkan at tumagal ng isang minuto bawat event.
Ang phreatic eruption o steam-driven explosions ay lumikha ng plumes na umabot ng 2,100 metro ang taas mula sa crater.
Sa nakalipas na 24 oras, nakapagtala ang PHIVOLCS ng tatlong volcanic earthquake sa bulkan.
Aabot naman sa 3,309 tonelada na sulfur dioxide ang ibinuga nito at naobserbahan ang VOG o volcanic smog sa bahagi ng Taal.
Sa kabila nito, nananatili pa rin sa alert level 1 ang bulkang Taal. | ulat ni Rey Ferrer