Para maiwasan ang posibleng dengue outbreak ay mas pinaigting ng Caloocan LGU ang anti-mosquito measures nito sa lungsod.
Kabilang dito ang regular na isinasagawang fogging at declogging operations ng City Environmental Management Department (CEMD), at Public Safety and Traffic Management Department (PSTMD) sa iba’t ibang barangay sa lungsod.
Ayon kay Mayor Along Malapitan, walang patid ang pagtutulungan ng CEMD at PSTMD na magsagawa ng mga paraan kontra sa pagdami ng lamok sa mga komunidad, lalo na ng fogging operations at paglilinis ng mga kanal at estero upang maiwasan na pamugaran ng mga lamok.
Kasunod nito, pinaalalahanan ng alkalde ang mga residente sa lungsod na panatilihin ang kalinisan ng kanilang kapaligiran.
“Mas apektado po ng dengue ang mga bata kaya dapat ay mabantayan natin nang maigi ang kanilang kalusugan lalo na ngayong dengue season sa pamamagitan ng mga mosquito repellant, pagsusuot ng damit na may mahahabang manggas, at pag-iwas sa mga masusukal at maduduming lugar,” paalala ni Mayor Malapitan. | ulat ni Merry Ann Bastasa