Inaasahang darating sa Pilipinas si His Excellency Sok Chenda Sophea, ang kasalukuyang Deputy Prime Minister at Foreign Minister ng Cambodia, sa darating na Agosto 27, araw ng Martes bilang bahagi ng official visit nito sa bansa.
Sinasabing ito ang unang opisyal na bilateral na pagbisita ni Sok sa isang ASEAN member state bilang Head of Delegation at ang unang pagbisita ng isang Kalihim ng Cambodian Foreign Affairs sa Pilipinas mula noong 2017.
Sa kanyang pananatili sa bansa, makikipagpulong si Deputy Minister Sok kay DFA Secretary Enrique Manalo, na kapwa co-chair sa ika-apat na pagpupulong ng Philippines-Cambodia Joint Commission for Bilateral Cooperation. Ilan sa mga pangunahing tatalakayin ng dalawa ay ang mga usapin ng defense at seguridad, kalakalan at pamumuhunan, agrikultura, at pagpapalakas ng ugnayan ng mga mamamayan ng dalawang bansa.
Inaasahang mananatili si Deputy PM Sok sa bansa hanggang sa ika-28 ng Agosto 2024. | ulat ni EJ Lazaro