Iginiit ni Cassandra Li Ong na real estate at hindi POGO business ang kaniyang trabaho.
Sa pagharap ni Ong sa Quad Committee ng Kamara, inamin niyang incorporator siya ng Whirlwind Corporation na siyang nagpaupa ng mga gusali sa Lucky South 99 sa Porac, Pampanga.
Noong una ay ayaw pa sumagot ni Ong sa mga pagtatanong ng mga mambabatas at paulit-ulit na in-invoke ang right to remain silent at right against self incrimination.
Ngunit matapos ma-contempt sa ikalawang pagkakataon, kalaunan ay nakipagtulungan na ito.
Sinabi niya na iisa ang may-ari noon ng Whirlwind at Lucky South 99 ngunit nauna lang nairehistro sa Securities and Exchange Commission (SEC) ang Lucky South.
Kaya naman sa dalawang lease agreement ng dalawang kompanya ay makikita ang kaniyang lagda.
Inamin rin niya sa komite na nobyo niya si Wesley Guo, na kapatid ni dating Bamban Mayor Alice Guo.
Pagbabahagi pa niya na mula Maynila ay lumipad siya patungong Singapore, hanggang sa magkita-kita sila ng magkakapatid na Guo sa Malaysia bago sa Batang, Indonesia kung saan sila nahuli ni Shiela Guo.
Gayunman, hindi aniya sila malapit ni Alice Guo.
Kalaunan ay binawi ng QuadComm ang ikalawang contempt order kay Ong.
Pumayag si Ong na lumagda sa waiver para masilip ng
Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang kaniyang mga bank accounts.
Sa isang mensahe kay QuadCom Co-Chair Dan Fernandez sinabi ni Ong na natatakot siyang maipit sa banggaan ng mga malalaking tao.
Gayunman hindi niya pinangalanan kung sino ang mga ito. | ulat ni Kathleen Jean Forbes