Umalma at naghain ng protesta ang China laban sa Pilipinas sa ilegal umanong pananatili ng Philippine Coast Guard (PCG) vessel sa katubigang sakop ng Sabina Shoal o kilala ring Escoda Shoal.
Ayon sa China, pumasok ito sa lagoon nang walang permiso at nanatili doon nang matagal na labag diumano sa soberanya ng China at sa Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea (DOC).
Gayunpaman, pinabulaanan ng Pilipinas ang mga paratang na ito. Ayon kay PCG spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela, ang mga reklamo ng China ay naglalayong maimpluwensyahan ang pananaw ng publiko at ilihis ang atensyon mula sa kanilang sariling mga ilegal na gawain at agresibong pagkilos sa rehiyon. Binigyang-diin ni Tarriela na ang mga aksyon ng Pilipinas ay legal at sinusuportahan ng UN Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Dagdag pa rito, inakusahan ni Tarriella ang China na walang basehan ang mga alalahanin nito patungkol sa pagtatatag ng Pilipinas ng isang forward deployment base at sumasalamin ito sa kanilang sariling pattern ng ilegal na pag-okupa at militarisasyon ng mga maritime features sa South China Sea.
Magmula noong Abril, idineploy ng Pilipinas ang 97-meter multi-role response vessel na BRP Teresa Magbanua, ang pinakamahal na sasakyang pangdagat ng PCG at isa sa pinakamalaking barko nito, sa kagaratan sa Sabina Shoal dahil sa umano’y mga pagtatangka sa reclamation ng China sa lugar. | ulat ni EJ Lazaro