Congressional Medal of Distinction, iginawad ng Kamara kina Petecio at Villegas; iba pang Pinoy athletes na sumabak sa Paris Olympics, binigyang pagkilala sa pagkatawan sa bansa

Facebook
Twitter
LinkedIn

Tatlong resolusyon ang pinagtibay ng Kamara de Representantes upang magpaabot ng pagbati at pagkilalala kina double Olympic Gold medal winner Carlos Yulo, Bronze medalists Nesthy Petecio at Aira Villegas, at lahat ng Pilipinong atleta na kumatawan sa Pilipinas sa 2024 Summer Olympics sa Paris, France.

Una dito ang House Resolutions 1915 at 1916 na naggagawad ng Congressional Medal of Distinction kina Petecio, na nanalo ng Bronze medal sa 57-kilogram boxing event, at Villegas, na nag-uwi ng Bronze medal sa 50-kilogram boxing competition.

Si Petecio ang unang Pinay boxer na nakapag-uwi ng dalawang medalya mula Olympics; una ay noong 2020 sa Japan at ang ikalawa ay sa Paris Olympics.

Kinilala din ang matagumpay na boxing debut ni Villegas sa Olympics na nakasungkit agad ng bronze.

Noong nakaraang linggo ay pinagtibay ng Kamara ang House Resolution 1864 na naggagawad kay double gold winner Carlos Yulo ng Congressional Medal of Excellence, na siyang pinakamataas na reward na ibinibigay ng Kamara sa mga Filipino achievers sa larangan ng sports, pagnenegosyo, science, at arts and culture.

Pinagtibay din ng Kamara ang House Resolution 1917, na kumikilala sa lahat ng atletang Pilipino na kumatawan sa Pilipinas sa Paris Olympics.

Ayon sa mga mambabatas, nagpakita ng “stellar performance” ang 22 atletang Pilipino sa katatapos na Olympics at nahigitan pa ang narating ng bansa sa 2020 Tokyo Olympic Games.

“In a stunning display of exceptional strength, discipline, and perseverance, the Filipino athletes and their respective coaches and trainers led the Philippines to a spectacular 2024 Paris Summer Olympic finish, ranking first among all Southeast Asian countries and 37th all over the world,” saad sa resolusyon.

Mahigit 10,500 atleta mula sa 206 National Olympic Committees ng iba’t ibang bansa ang lumaban sa 329 event sa 32 sports at 48 disciplines sa Paris Olympics.  | ulat ni Kathleen Jean Forbes

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us