Umaabot na sa 83.38% ang mga sumailalim sa PUV Modernization Program ng Department of Transportation and Railways.
Sa budget presentation ni DOTr Sec. Jaime Bautista sa House Appropriations Committee, iprinesenta nito ang update sa programa kung saan nasa 159,862 na ang consolidated units mula sa baseline units na 191,730.
Layon ng PUV modernization na itatag ang organisado, episyente at responsive na public transportation system.
Ayon pa kay Sec. Bautista, kasunod ng industry consolidation na kanilang isinasagawa, nakatutok ngayon ang kagawaran sa pagkumpleto ng local public transport route plan.
Aniya, nasa 71% na ng mga LGU ang nakakapagsumite ng kinakailangang dokumento para sa programa, 12% dito ay naaprubahan na ng DOTr habang inaasahan ang kanilang pag-apruba ng ilan pang route plans sa mga susunod na buwan.
Sa ngayon ayon sa kalihim, nasa mahigit 11,000 units ng modernized PUVs ang operational na. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes