Itinakda na sa Setyembre 2 hanggang 6 ngayong taon ang Nationwide Job Fair ng Civil Service Commission.
Ang hakbang na ito ng CSC ay bahagi ng pagdiriwang ng ika-124 na anibersaryo ng Philippine Civil Service.
Ang 2024 Government Job Fair ay isang onsite event na layong mabigyan ng pagkakataon ang mga indibidwal na nagpaplanong ituloy ang kanilang career sa public sector.
Ayon kay CSC Chairperson Karlo Nograles, ang nalalapit na career fair,ay isang selebrasyon hindi lamang ng CSC kundi para sa lahat ng ahensya ng gobyerno at ng 1.9 milyong civil servants sa buong bansa.
Sa tulong ng 16 CSC Regional Offices, ang government job fair ay magtatampok ng partisipasyon mula sa mga Government Agency, Local Government Units, State and Local Universities and Colleges, maging ang mga Government-Owned and Controlled Corporations.
Isasagawa ang event sa iba’t ibang malls at civic centers sa mga rehiyon
Ngayon pa lang, hinihikayat na ni Nograles ang mga interesado at kwalipikadong aplikante na mag-apply sa job fair. | ulat ni Rey Ferrer