Pinawi ng Department of Agriculture (DA) ang pangamba ng publiko sa karneng baboy. Ito ay kasunod ng sunod-sunod na pagharang sa mga checkpoint ng mga baboy na positibo sa African Swine Fever (ASF).
May ilan kasing nangangamba na baka nasa mga pamilihan na ang mga may sakit na baboy.
Tiniyak ni Agriculture Spokesperson Assistant Secretary Arnel de Mesa na ginagawa nila ang lahat para masigurong ASF-free ang mga karneng baboy sa merkado.
Bukod sa mga checkpoint, kumikilos na rin ang mga attached agency ng ahensya para masigurong hindi makalulusot sa pamilihan ang mga baboy na may ASF.
Pinayuhan din ni Asec. de Mesa ang mga mamimili na suriin kung may tatak ng National Meat Inspection Service (NMIS) ang bibilhing karne upang makasigurong ligtas ang mga ito para kainin. | ulat ni Diane Lear