Nagbabala ang Department of Agriculture (DA) na hindi palulusutin ang mga biyaherong balak magpuslit ng mga baboy nang walang kaukulang permit.
Ito’y matapos masamsam ang aabot sa 60 mga baboy sa isang checkpoint sa Tandang Sora, Quezon City dahil sa pekeng permit.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., dapat na magsilbing babala sa mga tiwaling negosyante ang pagsamsam nila sa mga baboy.
Umaasa rin ang kalihim na ito na ang huling pangyayari lalo pa’t seryoso ang gobyerno laban sa ASF.
Hindi aniya pwedeng ikompromiso ang kalusugan ng publiko, lokal na industriya ng baboy, at food safety and security.
Nagsanib pwersa na ang DA-BAI, Quezon City government, at Quezon City Police District (QCPD) kontra African Swine Fever (ASF).
Sa bawat checkpoint, binubusisi kung may health certificate na magpapatunay na walang ASF at shipping permit na magsisiguro na mula sa lehitimong farm.
Nakabantay din ang DA at mga pulis sa mga container van na posibleng may lulang kontaminadong karne. | ulat ni Merry Ann Bastasa