Bilang bahagi ng mas malawak na kampanya laban sa African Swine Fever (ASF), inanunsyo ng Department of Agriculture (DA) na pinag-aaralan nila ang karagdagang mga bakuna para sa mga breeder at grower upang mas lalong mapalakas ang industriya ng baboy sa bansa.
Ang anunsyo ay ginawa kasabay ng pagsisimula ng bakunahan kontra ASF sa Lobo, Batangas kaninang umaga.
Ayon kay DA Assistant Secretary for Swine and Poultry Constante Palabrica, malaki ang naging epekto ng ASF sa malalaking kumpanya at maging sa mga backyard farms.
Bagama’t ang malalaking kumpanya aniya ay may kakayahan na mamuhunan sa biosecurity measures, 60 percent ng populasyon ng baboy sa mga backyard farm ay nahihirapan dahil sa kakulangan ng pondo para sa epektibong proteksyon.
Kaugnay nito ay naglaan ang DA ng P300 milyon para sa pagbili ng 600,000 na mga bakuna sa ASF, at handa itong humanap ng karagdagang pondo kung mapapatunayan na epektibo ang bakuna.
Sa kasalukuyan, 32 probinsya ang patuloy na apektado ng ASF. | ulat ni Diane Lear