Inihain ni ACT-CIS party-list Rep. Erwin Tulfo ang House Resolution 1912 upang atasan ang angkop na komite ng Kamara na magsagawa ng inquiry in aid of legislation ukol sa paglipana sa online selling platform ng sub-standard at pekeng produkto.
Ayon kay Tulfo, lumapit sa kaniya ang may 15 Filipino appliance company na dumadaing dahil sa “unfair online sales practices” ng mga offshore appliances na karamihan ay galing sa China at direktang ipinapasok sa bansa at ibinebenta sa mas murang halaga.
Kung magpapatuloy anila ito aabot sa 300,000 na manggagawa ang maaaring mawalan ng trabaho.
Giit nila, nagbabayad sila ng tamang buwis at dumadaan sa istriktong regulasyon ng DTI ngunit sila ang nalulugi dahil sa hindi patas na bentahan sa merkado.
Nilinaw naman ni Tulfo na hindi siya tutol sa mga online selling, pero iginiit niya na dapat din silang dumaan sa mga itinakdang batas ng ating gobyerno.
Kabilang sa nais matugunam din ng mambabatas ay ang pagkakaroon ng mas mahigpit na enforcement power ng Internet Transactions Act lalo na pagdating sa regulasyon at pagbubuwis ng mga ibinebentang produkto online. | ulat ni Kathleen Forbes