Binati ni Sen. Imee Marcos ang pinoy gymnast na si Carlos Yulo na dalawang beses nagkamit ng gold medal sa 2024 Paris Olympics.
Ayon sa senador, isang malaking karangalan ang ibinigay ni Yulo sa buong bansa kaya dapat lang na bigyang pugay ito sa lahat ng kanyang pagsisikap at sakripisyo.
Dagdag pa ni Sen. Marcos, susuportahan nito ang anumang hakbang sa senado para mabigyan ng dagdag na gantimpala at incentive si Yulo paguwi nito sa bansa.
Kasunod nito, pinayuhan naman ng senador si Yulo na kumuha ng financial mentor para maayos na mapangasiwaan ang milyun milyong papremyo na nagaabang sa kanya.
Mahalaga aniya na may gumabay kay Yulo para masigurong hindi masasayang ang mga pinaghirapan nito.
Kaugnay nito, irerekomenda naman aniya ni Sen. Marcos na mapaigting pa ang suporta sa mga atletang pinoy sa tulong ng pribadong sektor. | ulat ni Merry Ann Bastasa