Nangako si House Speaker Martin Romualdez na daragdagan ang pondo para sa mga programa at serbisyong iniaalok sa Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF).
Sa nalalapit na pagsalang ng 2025 National Budget sa deliberasyon ng Kamara ngayong linggo titiyakin nila na magkaroon ng dagdag na pondo ang mga programa at serbisyo na mahalagang bahagi ng BPSF gaya ng Kadiwa ng Pangulo, Passport on Wheels, at Driver’s License registration / assistance.
Muli ring tiniyak ng House Chief ang hangarin nilang dalhin ang serbisyo fair sa iba pang lalawigan sa bansa at tiyakin na walang rehiyon na maiiwan.
Pagtupad aniya ito sa layunin ng Pangulo na gawing abot kamay para sa bawat Pilipino ang serbisyo ng pamahalaan.
“Hangarin po ng ating Pangulo na ibaba ang lahat ng mga programa ng gobyerno, lahat ng mga produkto, at lahat ng mga serbisyo sa taumbayan. Kailangang ilapit natin lahat ng mga sangay ng gobyerno sa taumbayan. Kaya nandito po kami para siguraduhing happy kayo,” sabi ng House Speaker.
Kabuuang ₱1.26 billion na halaga ng serbisyo ang ipinagkaloob sa 253,000 na benepisyaryo sa buong Eastern Visayas, kabilang ang mini-BPSF sa Northern Samar, Eastern Samar, Samar, Southern Leyte, at Biliran. | ulat ni Kathleen Forbes