Ipinagpasalamat ni Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez na sa wakas ay pasado na rin sa Kamara ang House Bill 10439 o Medical Cannabis Law.
Ayon kay Alvarez na isa sa pangunahing may-akda ng panukala, magandang simula ito para sa mga kababayan natin na may sakit gaya ng cancer at seizure na natutulungang ibsan ang karamdaman ng medical cannabis.
Sabi pa niya, napag-aralan na ito at ginagamit sa ibang bansa.
Kaya naman kung ang alak, sigarilyo at mas matatapang na pain killers ay napapahintulutan sa Pilipinas, dapat din ang medical cannabis napatunayan nang may health benefits.
Maliban dito, maaari aniya magbukas ng revenue potential ang batas dahil maaari nang magtanim ng medical cannabis sa bansa kaysa may-import.
“Isa pang magandang balita yung puwede na mag-cultivate dito sa Pilipinas, para tayo na mismo makapag-research, imbes na puro import lang. Malaking income generating potential meron dito, para sa ating mga farmers at sa local corporations. Makatutulong din yan sa gobyerno kasi puwede natin i-tax. Totoo yung kasabihang, may yaman sa halaman,” sabi ni Alvarez.
Nakikiusap naman ang mambabatas sa Senado na maging bukas ang puso at isip sa panukala para sa kapakanan ng mga may karamdaman. | ulat ni Kathleen Jean Forbes