Hinihikayat ng House Committee on Basic Education and Culture ang Department of Education (DepEd) at TESDA na mag-usap at magtulungan sa pagpapa-igting ng immersion o hands-on training ng mga senior high students.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, ipinaliwanag ni Representative Roman Romulo na ang ipinangako ng K-12 program sa mga maga-aral ay ang pagiging job ready sa oras ng kanilang pagtatapos.
Ang problema aniya, ang kasalukuyang oras na inilalaan sa mga tech voc student para sa kanilang hands on training ay hindi sapat, dahilan kung bakit hindi lumalampas sa National Certificate II ang kanilang nakukuha.
Sa ilalim aniya ng Philippine Qualifications Framework, ang Nat’l Cert II ay beginner level lamang, kaya’t hindi talaga magiging job ready ang mga graduate ng tech voc track. | ulat ni Racquel Bayan