Pinaigting ng Department of Foreign Affairs’ Overseas Voting Secretariat (DFA-OVS) at ng Commission on Elections’ Office for Overseas Voting (COMELEC-OFOV) ang kanilang paghahanda para sa pagpapatupad ng internet voting para sa Overseas Filipinos sa darating na 2025 National Elections.
Ito ay matapos ang matagumpay na paglulunsad nito sa South Korea noong Hunyo kung saan sinanay ang mga lider ng Filipino community at miyembro ng media sa Online Voting and Counting System (OVCS).
Maliban sa South Korea ay nagsagawa rin ng mga kahalintulad na inisyatiba sa Spain, Hong Kong, at Singapore.
Layunin ng mga pagsasanay na ito na bigyan ng sapat na kaalaman ang mga Foreign Service Posts (FSPs) upang magpatakbo ng internet voting na magpapadali sa pagboto para sa mga Pilipinong nasa ibang bansa.
Binibigyang diin ni DFA-OVS Chairperson Undersecretary Jesus Domingo ang kahalagahan ng mga kampanyang ito, habang binanggit ni COMELEC Chairman George Erwin Garcia ang posibilidad na palawigin ang internet voting sa loob ng bansa para sa mga senior citizens, persons with disability, at buntis.
May mga nakatakdang pagsasanay rin na isasagawa pa sa Estados Unidos, Czech Republic, UAE, Canada, at Qatar.
Magtatapos naman ang registration para sa overseas votes pagsapit ng Setyembre 30, 2024.| ulat ni EJ Lazaro