Patuloy ang ginagawang pag-aasikaso ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa mga distress Pinoy na apektado ng crackdown ng illegal companies sa loob ng Golden Triangle Special Economic Zone (GTSEZ), na nasa Bokeo Province, Lao PDR.
Ayon sa DFA, nakikipag-ugnayan ang Embahada ng Pilipinas sa Vientiane, sa mga otoridad ng Lao.
Nakapagpadala na rin anila ang pamahalaan ng mga team na mag-aayos ng release at extraction ng mga distressed Pinoy.
Dagdag pa ng DFA, na pinondohan nila ang mga biyahe ng mga Pinoy mula Lao pabalik ng bansa kasama na ang food at accommodation gayundin ang iba pang pangangailangan ng mga ito.
Ayon sa DFA, nagawa nilang tumugon sa ngayon sa nasa mahigit 100 humingi ng tulong habang nakapag pauwi na sila ng pitong Pinoy ngayong araw.
Patuloy naman anilang inaasikaso ng embahada ang repatriation ng 75 iba pang Pinoy.
Giit ng DFA ang kanilang response team ay nananatiling nakahandang tumulong sa kahit sinong Pinoy na nananatili sa Golden Triangle, at ipagpapatuloy din anila ng mga ito ang pakikipag-ugnayan sa mga otoridad para sa kaligtasan ng mga nabanggit na Pilipino. | ulat ni Lorenz Tanjoco