Hinihimok ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang mga Pilipino sa Kenya na mag-ingat dahil sa patuloy na pagkalat ng Mpox na idineklara na ng World Health Organization bilang isang Public Health Emergency of International Concern.
Ito ay kasunod ng isang katulad na advisory na inilabas noong nakaraang buwan.
Pinapayuhan ng DFA ang mga Pilipino sa Silangang Africa na manatiling updated at mahigpit na sundin ang mga hakbang pang-iwas sa sakit. Kasama rito ang pag-iwas sa pisikal na pakikipag-ugnayan sa sinumang nagpapakita ng sintomas, hindi paghawak sa mga personal na gamit ng mga apektadong indibidwal, at regular na paghuhugas ng kamay.
Binibigyang-diin ng DFA ang kahalagahan ng pagsunod sa mga patakarang ito upang maiwasan ang karagdagang pagkalat ng sakit.
Kamakailan lamang ay inilagay ng Africa Centres for Disease Control ang Mpox bilang isang Public Health Emergency of Continental Security, ang kauna-unahang deklarasyon nito magmula noong 2017.
Sa kabila ng mga deklarasyong ito, tiniyak ng Africa CDC na hindi maaapektuhan nito ang paggalaw ng mga tao at kalakal. | ulat ni EJ Lazaro | RP3 Alert