Inanunsyo ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ang paglulunsad ng maraming housing projects sa Mindanao sa ilalim ng Pambansang Pabahay Para sa Pilipino (4PH) Program ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ayon kay DHSUD Secretary Jose Rizalino Acuzar, pinasimulan na ang pagtatayo ng dalawang housing projects sa Zamboanga City at Surigao del Norte.
Binisita rin ng mga shelter official ang 4PH project site para sa Dreams Residences at ang pagpirma sa kasunduan para sa Vinta Residencia sa Barangay Salaan, sa Zamboanga City.
Bukod dito, inilunsad din ng DHSUD ang Sikat High Park Residencia sa Barangay Layuhan na ipinatutupad ng National Housing Authority (NHA).
Target pa ng ahensya na makapagpatayo ng 25,000 housing units sa Zamboanga City, sa ilalim ng 4PH.
Ngayong araw, lalagdaan na rin ang isang kasunduan para sa pagtatayo ng Dapa Island Residences sa Barangay Osmeña sa Siargao na kauna-unahang 4PH project sa Caraga Region.
Sinabi ni Acuzar na mahigpit ang utos ni Pangulong Marcos Jr. na tutukan ang implementasyon ng 4PH para sa mga mahihirap na mamamayan.| ulat ni Rey Ferrer