Sasapat lang para sa loob ng limang buwan ang pondong ibinigay sa Department of Information and Communications Technology (DICT) sa ilalim ng 2025 National Expenditure Program para sa pagpapatupad ng free wifi program.
Sa pagtalakay ng panukalang 7.8 billion pesos na budget ng ahensya sa susunod na taon, sinabi ni Secretary Ivan Uy na ang 2.5 billion pesos na alokasyon para sa free WI-FI project ay hindi sapat para makamit ang target na 50,000 access points sa taong 2025.
Kaya para mapalawak aniya ang maaabot ng programa ay kakailanganin ng dagdag na pondo.
Giit naman ni DICT Undersecretary Jeffrey Dy, ang inilabas na 3.6 billion pesos ng Department of Budget and Management (DBM) kamakailan ay sasapat lang para ma-renew ang kasalukuyang 13,462 free Wi-Fi live access point sites.
Katunayan ngayong 2024 ang target nilang 25,000 access points ay hindi nila nakamit at posibleng mabalam din ang aniya 50,000 target para sa taong 2025 kung hindi madadagdagan ang pondo nila.
Sa kasalukuyan ayon kay Dy, may 21 billion na pondo sa National Treasury para sana magamit sa free WiFi.
P9.8 billion naman aniya ang hiniling nilang pondo para sa 2025 para dito ngunit hindi napagbigyan ng DBM dahil sa limitadong fiscal space. | ulat ni Kathleen Jean Forbes