Walang ligtas ang mga prank caller sa inilunsad na e911 service emergency hotline ng pamahalaan.
Ito ang babala ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Benhur Abalos Jr. kasunod ng isinagawang simulation ng Philippine National Police (PNP) sa Kampo Crame ngayong araw.
Ayon kay Abalos, gumagamit ng Artificial Intelligence (AI) technology ang sistemang ginagamit ngayon sa e911 service kaya’t madali nang matutukoy kung sino ang tumatawag gayundin ang lokasyon nito.
Kahit aniya mga drop call o missed call ay kaya nang matukoy ng sistema kumpara sa dati na mano-mano.
Batay sa datos, mula sa mahigit 4,000 tawag, nasa 500 lamang ang lehitimo habang ang nalalabi ay mga prank caller. | ulat ni Jaymark Dagala