Nanawagan sa publiko si Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos Jr. na huwag magtapon ng basura kung saan-saang lugar.
Ginawa ng kalihim ang apela kasunod nang malawakang pagbaha sa Metro Manila kasunod ng nagdaang bagyo kung saan isa sa mga dahilan ang basura na bumara sa mga daluyan ng tubig.
Paalala ng kalihim, panahon na ng La Nin̈a sa bansa at dapat nang paghandaan.
Kinakailangang maghigpit na rin ang local government units (LGU) hanggang sa mga Barangay at hulihin ang mga nagtatapon ng basura sa hindi tamang lugar.
Dapat may mga ordinansa nang ipapasa at sa halip na bigyan ng kaparusahan ang mga mahuhuli ay patawan na lang ng community service para maglinis ng basura.
Ngayong araw, isinasagawa ang nationwide clean up drive sa ilalim ng KALINISAN program ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Sa Malabon City, pinangunahan ng DILG, MMDA at Malabon LGU ang paglilinis ng basura sa kalsada at sa mga drainage system. | ulat ni Rey Ferrer