Inanunsyo ni Speaker Martin Romualdez na pumayag na ang Department of Health (DOH) na maisama sa coverage ng Guarantee Letters (GLs) sa ilalim ng Medical Assistance for Indigent and Financially Incapacitated Individuals Program (MAIFIP) ang pambayad sa doctor’s fee.
Kasunod ito ng naging pulong ng House leader at Health Secretary Ted Herbosa.
Dahil aniya sa commitment na ito ng DOH, wala nang dapat ipangamba ang mga pasyente pagdating sa karagdagang gastos sa professional fees.
“I know how crucial this inclusion is for many of our fellow Filipinos who are struggling with the cost of healthcare. And good news po sa ating mga kababayan, we have successfully secured a commitment from the DOH to cover the professional fees of doctors under MAIFIP,” pagbabahagi ng House Speaker.
Hangarin aniya ng Kongreso na gawing abot-kamay at abot-kaya ang serbisyong pangkalusugan para sa lahat ng Pilipino.
Giit ng House Speaker, hindi dapat maging hadlang ang kakulangan sa pera para makakuha ng tamang lunas at serbisyong medikal.
Matatandaan na ngayong buwan lang ay nakakuha rin ng commitment ang Kamara mula naman sa PCSO na isama na rin ang doctor’s fee sa sakop ng kanilang medical assistance program. | ulat ni Kathleen Jean Forbes