Mainit na tinanggap ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang bagong Director-General ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na si Rep. Jose Francisco “Kiko” Benitez kasabay ng pangako ng buong suporta nito sa kanyang pamumuno.
Sa pagdiriwang ng ika-30 anibersaryo ng TESDA sa Pasay City, ipinahayag ni DOLE Secretary Bienvenido Laguesma, sa pamamagitan ni Undersecretary Carmela Torres ang kumpiyansa nito sa kakayahan ni Benitez na paunlarin ang technical-vocational education and training (TVET) sa bansa. Pinuri ni Laguesma ang expertise ni Benitez, lalo na ang kanyang papel bilang Co-Commissioner ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2).
Maliban dito, binigyang-diin ng DOLE ang mahalagang papel ng TESDA sa paglikha ng globally competitive na manggagawang Pilipino, na nakaayon sa mga national development goals.
Itinatag noong 1994, layunin ng TESDA na hikayatin ang buong partisipasyon at pakilusin ang industriya, mga manggagawa, local government units, at technical-vocational institutions sa pagpapaunlad ng mga kasanayan ng yamang-tao ng bansa. | ulat ni EJ Lazaro