Hinihikayat ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga micro, small, and medium enterprises (MSMEs) na samantalahin ng mga ito ang alok nitong Adjustment Measures Program (AMP) na layong paunlarin ang kanilang kasanayan at palakasin ang kanilang kakayahang makipagkompetensya sa negosyo.
Ayon sa DOLE, nag-aalok ang AMP ng tulong pinansyal mula ₱500,000 hanggang ₱1.5 milyon para sa mga proyektong nakatuon sa capacity-building, pagpapabuti ng negosyo, at iba pang inisyatibang makatutulong sa MSMEs na makaangkop sa iba’t ibang hamon.
Simula nitong Agosto 27, maaaring mag-apply sa nasabing programa ang mga kuwalipikadong MSMEs, labor organizations, at accredited partners sa kanilang mga DOLE Regional Office.
Ang programang AMP, na nakasaad sa Department Orders No. 241 at 241-A, ay idinisenyo upang maprotektahan ang mga manggagawa, magtaguyod sa paglikha ng mga trabaho, at mapalakas ang produktibidad sa harap ng mga hamong pang-ekonomiya.
Para sa paghahanda sa nasabing programa, nitong buwan ay nagsagawa ang Bureau of Local Employment, kasama ang Bureau of Working Conditions at ang Occupational Safety and Health Center ng orientation session, kabilang ang MSMEs, DOLE officers, at training institutions kung saan tinalakay at inihanda ang mga ito para sa project proposal preparation kaugnay ng AMP. | ulat ni EJ Lazaro