Pumirma sa dalawang magkahiwalay na kasunduan ang Department of Tourism (DOT) at Department of Science and Technology (DOST) upang paghusayin pa ang turismo sa bansa sa pamamagitan ng agham at teknolohiya.
Sa isang kaganapan nitong linggo na ginanap sa Casa Manila sa Intramuros kapwa pinangunahan nina DOT Secretary Christina Garcia Frasco at DOST Secretary Dr. Renato Solidum, Jr. ang paglagda sa memorandum of understanding sa paglulunsad ng programang tinawag nitong Smart and Sustainable Communities Program (SSCP). Layon ng nasabing programa ang makalikha ng smart, sustainable, at resilient communities sa buong bansa gamit ang teknolohiya at science-based innovations.
Bukod dito, pinagtibay din ng dalawang ahensya ang isang Memorandum of Agreement para sa pag-develop at pag-deploy ng TourLISTA 2.0 app, isang makabagong kasangkapan para sa real-time na pagsusuri at assessment sa pagdating ng mga turista sa bansa.
Ang nasabing partnership na ito ay nagpapakita ng dedikasyon ng pamahalaan sa pag-modernisa at pagpapanatili ng sektor ng turismo sa pamamagitan ng innovative solutions.
Binigyang diin ni Sec. Frasco na mahalaga ang pagyakap sa teknolohiya para iangat ang Pilipinas bilang isang pandaigdigang tourism powerhouse, habang binigyang-halaga naman ni Secretary Solidum ang papel ng agham at teknolohiya sa pangangalaga ng pambansang pamanang kultura para sa susunod na henerasyon.| ulat ni EJ Lazaro