Nanawagan ang Department of Transportation (DOTr) sa Kongreso na suportahan ang kanilang panukalang budget para sa taong 2025.
Ito ay matapos maiulat ng ahensya ang maayos na paggamit ng kanilang budget sa unang kalahati ng 2024.
Sa pagdinig ng House Committee on Appropriations tungkol sa panukalang P180.894 billion budget ng ahensya, hiniling ni Transportation Secretary Jaime Bautista sa Kongreso na suportahan ang kanilang expenditure proposal para sa taong 2025.
Ipinaliwanag ni Sec. Bautista, na ang 74 percent ng proposed budget ng DOTr para sa susunod na taon ay nakalaan sa capital outlay.
Aniya, ang pondo ay gagamitin para sa pagpapatupad ng mga malalaking proyekto sa transportasyon tulad ng mga riles, paliparan, daungan, at kalsada.
Binigyang-diin din ni Sec. Bautista, na ang pagpapaunlad ng imprastraktura ay nananatiling prayoridad ng administrasyon. | ulat ni Diane Lear