Inihayag ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian ang inisyatibo na ginagawa ng ahensya kaugnay ng mga programa at serbisyo nito upang matulungan ang mga mahihirap na pamilya.
Sinabi ng kalihim, hindi lang DSWD ang may responsibilidad sa paglaban sa kahirapan kundi kailangan ang whole-of-government-approach o di kaya ay whole-of-society approach kasama ang private sector.
Sa panig ng DSWD, nais i-highlight ng kalihim ang kautusan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pahusayin ang existing na mga programa.
Patuloy aniya ang isinasagawang improvement sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) matapos na makitang epektibo ang programa sa pagtulong sa mga mahihirap na mamamayan.
Isa din sa prayoridad ng ahensya ang DSWD Academy na nagbibigay ng learning opportunities para sa development ng partner stakeholders nito na kailangan sa mabilis na serbisyo.
Samantala, tiniyak din ng DSWD chief na mabibigyan ng sapat na pagkalinga at nararapat na interbensyon ang families and individuals in street situations (FISS) sa ilalim ng Oplan Pag-Abot Program.| ulat ni Rey Ferrer