Nagtungo ngayong araw si Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian sa Camarines Sur para sa Information Caravan ng pinakabagong flagship program ng ahensya kabilang ang “Walang Gutom: 2027.”
Bahagi ito ng patuloy na paglilibot ng mga opisyal ng pamahalaan upang ipabatid ang Walang Gutom Information Caravan sa iba’t ibang panig ng bansa.
Titiyakin ng mga ito na may sapat na kaalaman ang local government units kaugnay ng mga programa na inihahatid ng DSWD.
Sa harap ng local officials ng Camarines Sur, sinabi ni Gatchalian ang tatlong bagong programa ng DSWD na Walang Gutom 2027: Food Stamp Program (FSP), Oplan Pag-abot Program, at Tara, Basa! Tutoring Program.
Ipinaliwanag dito ng kalihim na naglalaman ng development part ng DSWD ang mga nasabing programa na nakapagbibigay ng tuloy-tuloy na kaayusan sa kapakanan ng bawat isang benepisyaryo.
Dagdag pa nito na isa sa pilot areas para sa Food Stamp Program’s implementation ay ang bayan ng Garchitorena sa Camarines Sur.
Matapos ang roll out ng Food Stamp Program, makikipagtulungan din ang DSWD sa Department of Labor and Employment (DOLE) para naman sa paglulunsad ng job fairs para sa mga maituturing na food-poor families.| ulat ni Rey Ferrer