Nagsagawa na ng test run ang Department of Social Welfare and Development – National Household Targeting Office (DSWD-NHTO) sa” i-Registro,” isang Dynamic Social Registry (DSR) para sa potential beneficiaries ng ahensya.
Ayon kay DSWD-NHTO Director Jimmy Francis Schuck II, bahagi ng programang ito na palakasin ang social protection system sa bansa.
Pinasimulan ang Dynamic Social Registry sa mga munisipalidad ng Pateros sa Metro Manila, Cordova sa Cebu, at Floridablanca sa Pampanga mula Hulyo 1-31.
Para sa unang phase, nakatutok ang system sa self-service registration at information authentication para sa pregnant and lactating mothers (PLMs) sa mga natukoy na pilot site.
Sa initial run, na-deploy sa mga piling pilot site ang mga web portal para sa pagpaparehistro ng mga PLM.
Binigyang-diin ni Director Schuck, na binibigyang-daan ng i-Registro ang ahensya na ma-capture ang life cycle shocks, mga kahinaan, at iba pang kritikal at napapanahong impormasyon ng mga benepisyaryo.
Ang pilot implementation ng i-Registro ay naaayon sa mga pagsisikap ng pambansang pamahalaan sa digital transformation at modernisasyon ng mga proseso ng gobyerno. | ulat ni Rey Ferrer