Siniguro ni DSWD Sec. Rex Gatchalian na sapat ang panukalang pondo ng ahensya para sa 4Ps program.
Sa pagtalakay ng P229 billion mahigit na 2025 proposed budget ng DSWD, natanong ni 4Ps party-list Rep. JC Abalos ang kalihim kung sasapat ba ang P114 billion na panukalang pondo para grant ng P4.4 million na benepisyaryo.
Kung susumahin kasi aniya, ang kada household beneficiary ay maaaring makakuha ng hanggang P30,000 na financial grant sa loob ng isang taon, kaya naman sa 4.4 million na benepisyaryo mangangailangan ng P132 billion pesos.
Paliwanag naman ni Gatchalian sa kanilang karanasan, mayroon mga benepisyaryo na hindi nakakasunod sa mga kondisyon ng grants kaya may mga pagkakataon na mayroong natitirang pondo.
Pagdating naman sa utang na grant mula 2023 at 2024 dahil sa mga naalis sa listahan, ibinalita ni Gatchalian na fully disbursed na ang inilaang P5 billion ng DBM.
Mayroon din aniyang special provision sa panukalang pondo upang matiyak na mayroong pondo pambayad sa utang ng mga benepisyaryo na matutukoy na naalis at kailangan ibalik oras na matapos ang paglilinis ng listahan. | ulat ni Kathleen Forbes