Inilabas ng Department of Trade and Industry (DTI) ang 2024 Cities and Municipalities Competitiveness Index (CMCI) rankings nito na nagpapakita ng mga nangungunang lokal na pamahalaan sa buong Pilipinas.
Ngayong taon, nanguna ang Quezon City bilang pinaka-competetive na lungsod sa bansa, na nakapagtala ng mataas na puntos sa ilang kategorya, kabilang ang government efficiency at infrastructure.
Samantala, napanatili naman ng Cainta, Rizal ang titulo nito bilang pinaka-competetive na munisipalidad, na nagpakita ng matibay na performance sa economic dynamism at resiliency.
Ilan din sa mga nanguna sa listahan ay ang lalawigan ng Rizal, ang lungsod ng Naga sa Camarines Sur, munisipalidad ng Can-avid sa Eastern Samar, at Kauswagan sa Lanao del Norte.
Sinusuri ng CMCI ang mga lungsod at munisipalidad base sa economic dynamism, government efficiency, infrastructure, resiliency, at innovation.
Pangunahing inisyatibo rin ito ng DTI na naglalayong hikayatin ang mga lokal na pamahalaan na pagbutihin ang kanilang serbisyo at makaakit ng mas maraming pamumuhunan.
Ang index ay ginagamit din ng mga negosyante bilang gabay sa pagtukoy ng mga lugar na may mataas na potensyal para sa pagpapalawak ng kanilang negosyo at nagsisilbing benchmark para sa pagpapabuti ng kalidad ng buhay at mga oportunidad sa ekonomiya sa mga lokal na komunidad. | ulat ni EJ Lazaro