Tuluyang nakalusot sa plenaryo ng Commission on Appointments (CA) ang ad interim appointment ni Department of Education (DepEd) Secretary Sonny Angara.
Sa sponsorship ni Commission on Appointments Committee on Education Chairman Senador Raffy Tulfo sa appointment ni Angara, sinabi nitong sa pagkakatalaga kay Angara ay mas mapapadali ang trabaho ng ahensya dahil sa sapat nitong background, karanasan at passion pagdating sa sektor ng edukasyon.
Kumpyansa rin ang mga mambabatas malawak nitong pang-unawa, malalim na kaalaman sa edukasyon at sa malasakit nito sa mga guro, mag-aaral at mga magulang.
Si Angara ang ika-39 na Secretary ng DepEd at bago ito ay dalawang dekada rin itong nagsilbi sa lehislatura kung saan 11 taon itong naging senador at 9 na taon bilang kongresista.
Sa panayam matapos ang kanyang confirmation, binahagi ni Angara na ang instruction sa kanya ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr, ay iangat ang kalidad ng edukasyon sa bansa.
Nakapaloob na aniya dito ang pagtulong sa mga guro, iangat ang antas ng pagtuturo, pagpapaganda ng mga pasilidad sa mga paaralan at bawasan ang learning loss sa mga mag-aaral.| ulat ni Nimfa Asuncion