Ipinagmalaki ng Department of Energy na umabot na sa 93.12% ang electrification status ng bansa.
Sa pagtalakay ng P3.085-B budget ng ahensya, sinabi ni Energy Policy and Planning Bureau (EPPB) Dir. Michael Sinocruz na katumbas ito ng 26 million na kabahayan na napailawan na.
Gayonman, hamon naman na masetbisyuhan ang nasa 1.1 million household na hindi pa nakakabitan ng kuryente sa Mindanao o katumbas ng 81% electrification status.
Sa hiwalay na presentasyon, sinabi ng National Electrification Administration na hirap silang tustusan ang pagpapailaw ng mga lugar sa ilalim ng Sitio Electrification Projects o SEP dahil sa kakulangan sa government subsidy.
23.7 billion pesos ang hiniling na budget ng NEA sa Department of Budget and Management ngunit 5.2 billion pesos lamang ang inaprubahan sa 2025 National Expenditure Program.
Nasa 1.66 billion pesos naman ang inilaan para sa Strategized Rural Electrification kung saan 594 sitios lamang ang maseserbisyuhan mula sa orihinal na target na 3,135 sitios sa susunod na taon. | ulat ni Kathleen Forbes