Emergency fund para sa mga madi-displace na POGO workers, inaaral na ng PAGCOR

Facebook
Twitter
LinkedIn

Nangako si Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) Chair Al Tengco na aaralin ang pagkakaroon ng Emergency Employment Fund para sa mga madi-displace na POGO workers dahil sa atas na tuluyang i-ban ang operasyon nito sa bansa.

Sa budget briefing sa Kamara sinabi ni Tengco na nagkausap na sila ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Bienvenido Laguesma kung saan nakakuha ito ng commitment mula sa kalihim na tutulungan ang mga POGO worker na mawawalan ng trabaho.

Ang direktang maaapektuhan ay nasa 31,000 na manggagawa na maaaring ipasok sa BPO industry dahil sa kanilang kasanayan.

Mayroon din aniyang ilalaang pondo ang DOLE para sa TUPAD Program.

Ngunit para kay Senior Deputy Minority Leader Paul Daza at House Appropriations Committee Senior Vice-Chair Stella Quimbo, hindi sapat ang TUPAD para tulungan ang displaced workers.

Kaya mungkahi ni Quimbo, bumuo ng emergency fund para sa alternatibong trabaho na may makatwirang sahod.

Positibo naman ang tugon ni Tengco. Aniya kasama ito sa kanilang inaaral na tugon. | ulat ni Kathleen Jean Forbes

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us