Welcome kay Senate Committee on Labor Chairperson at Senador Joel Villanueva ang pagbaba ng unemployment rate sa bansa sa 3.1 percent nitong Hunyo mula sa 4.1 percent noong Mayo 2024.
Gayunpaman, binigyang diin ni Villanueva na dapat pa ring tugunan ang underemployment rate na naitala sa 12.1 percent nitong Hunyo o katumbas ng 6.08 milyong mga Pilipino.
Pinapakita lang aniya nito ang nagpapatuloy na isyu ng job-skills mismatch at kalidad ng mga trabaho na mayroon sa bansa ngayon.
Kaugnay nito, isinusulong ng mambabatas na maipasa ang Senate Bill 2587 o ang panukalang Enterprise-Based Education and Training (EBET) Framework Act.
Layon nitong pataasin ang skills ng workforce sa bansa sa pamamagitan ng EBET training, apprenticeship at upskilling.
Sinabi ni Villanueva na ang naturang panukala ang bubuo sa layunin ng Trabaho Para sa Bayan Act na solusyunan ang employment issues sa Pilipinas.
Sa ngayon ay pasado na sa ikalawang pagbasa ng Senado ang EBET Framework bill, na isa sa mga priority measure ng administrasyon. | ulat ni Nimfa Asuncion