Isang resolusyon ang inihain sa Kamara para silipin ang hindi magandang epekto ng reclamation projects sa mga flood prone area sa Metro Manila at kalapit probinsya.
Kasunod na rin ito ng malawakang pagbaha sa National Capital Region (NCR) sa kasagsagan ng bagyong Carina at habagat.
Ipinunto ng MAKABAYAN Bloc sa House Resolution 1814 na mahalagang malaman kung ano ang impact ng reclamation projects sa pagpapalala ng pagbaha para na rin sa kaligtasan ng mga komunidad at tamang pagpapatupad ng environmental at disaster risk reduction laws.
Giit ng MAKABAYAN na hindi maaaring isantabi ang koneksyon ng reclamation projects sa mas mataas na flood risk.
Binabago kasi nito ang natural landscape ng mga baybayin na nagsisilbing natural flood barriers.
Kasama rin sa nais ipasiyasat ang estado ng flood control measures ng bansa. | ulat ni Kathleen Jean Forbes