Kinondena ng U.S. Embassy sa Pilipinas ang mga aksyon ng People’s Republic of China sa magkakahiwalay na insidente noong August 19 at 22 kung saan sa isang pagkakataon ay gumamit pa ng flares ang fighter jet ng Tsina sa eroplano ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ng Pilipinas habang nagsasagawa ito ng routine patrol malapit sa Scarborough at Subi Reefs.
Sa isang post sa social media na X ni US Ambassador to the Philippines MaryKay Carlson, sinabi nitong naninindigan ang Estados Unidos kasama ang Pilipinas sa pagkondena sa PRC sa mga aksyon nito sa WPS. Nananawagan din ito sa China na itigil na ang mga provocative at mapanganib na pagkilos nito na banta sa isang malaya at bukas na Indo-Pacific region.
Bago ito, nauna na ring kinondena ng National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS) ang mga iligal at mapanganib na aksyon na ito ng China sa Pilipinas na lehitimong nagsasagawa lamang ng pagpapatrolya sa loob ng exclusive economic zone (EEZ) at territorial waters ng bansa.
Patuloy din ang Pilipinas sa paglaban ng karapatan nito sa WPS sang-ayon sa international law kasama ang 2016 Arbitral Award na nagpatibay sa claim ng bansa sa nasabing karagatan.| ulat ni EJ Lazaro