Nagpapatawag ng imbestigasyon si CIBAC Party-list Representative Bro. Eddie Villanueva patungkol sa sanhi at tugon sa lumalalang pagbaha sa bansa.
Kasunod ito ng pananalasa ng bagyong Carina kung saan isinailalim pa ang National Capital Region sa State of Calamity.
Sa kaniyang House Resolution 1824, binigyang diin ni Villanueva na mahalagang masilip ang flood control program ng bansa kung bakit hindi pa rin nito natutugunan ang problema sa pagbaha.
Sabi pa niya, napakaraming flood control project ang nakapaloob sa national budget ngunit hindi naman matukoy ang isang holistic masterplan para dito.
“The national budget is replete with line item flood control projects spread to several agencies but we do not know if it is following a holistic masterplan. That is why there is an urgent need to evaluate and revise the approach and projects of the government’s flood control program to ensure that we hit the real cause of and right solution to the problem,” ani Villanueva
Nanawagan din muli ang CIBAC solon sa kaniyang mga kasamahang mambabatas, na magsagawa ng hiwalay na imbestigasyon sa pondo ng flood control program upang maiwasang masayang ang pondo ng bayan.
Sa naging pagdinig ng House Committee on Metro Manila Development ibinahagi ni MMDA Chair Don Artes, na sa ilalim ng 2024 budget ng MMDA para sa flood control na nagkakahalaga ng P2.264 billion 56 sa mga ito ang nakumpleto na at may 45 na ongoing.
Noong 2022 naman ay nakakumpleto sila ng 97 na flood control project habang mayroong 109 naman noong 2023. | ulat ni Kathleen Forbes