Inilatag ni NEDA Secretary Arsenio Balisacan ang plano ng pamahalaan para makamit ang target na mapababa ang poverty rate sa Pilipinas sa 9% bago matapos ang pamumuno ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Sa briefing ng DBCC sa Senado, sinabi ni Balisacan na sa pinakahuling datos nitong 2023 ay nasa 15.5% ang poverty rate sa Pilipinas.
Kaya naman kabilang sa mga gameplan ng pamahalaan ay ang mapanatili ang patuloy na paglago ng ekonomiya ng bansa at tiyakin na ang paglago na ito ay magiging inclusive o walang Pilipinong maiiwan.
May nakalatag rin aniyang self-protection system ang gobyerno para naman sa mga kababayan nating hindi makasabay sa pag-unlad at dito nakapaloob ang mga ayuda program ng pamahalaan gaya ng food stamp program at 4Ps.
idinagdag rin ni Balisacan na target rin nilang makagawa ng mga high quality jobs sa bansa dahil kahit bumababa na ang unemployment rate sa Pilipinas ay aminado ang kalihim na kulang pa rin ang mga de-kalidad na trabaho para sa mga Pilipino.
Tinututukan na rin aniya ng pamahalaan ang pagtugon sa inflation, lalo na ang food inflation, dahil ang pagkain ang malaking pinagkakagastusan ng mga mahihirap na pamilyang Pilipino. | ulat ni Nimfa Asuncion