Mariing pinabulaanan ng Department of Justice (DOJ) na gumagamit ang gobyerno ng excessive force sa paghahanap kay Kingdom of Jesus Christ Leader Pastor Apollo Quiboloy.
Ayon kay Justice Assistant Secretary at Spokesman Mico Clavano, walang malaking pwersa ng mga pulis ang ginagamit sa pagtugis kay Quiboloy.
Sagot ito ng DOJ matapos almahan ng mga supporters ng religious leader ang umanoy marahas na pagpasok sa compound ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) sa Davao City.
Normal lamang daw ang ginagawa ng Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) na magpadala ng dagdag na tao sa KOJC compound para matiyak ang seguridad ng mga supporters ni Quiboloy.
Ang layunin daw ng pamahalaan ay makuha siya upang madala sa korte upang harapin ang kanyang mga kaso. | ulat ni Mike Rogas