Nagsumite na ng kanilang withdrawal sa Office of the Ombudsman ang dalawang lider ng mga mamamahayag sa Masbate para sa kasong isinampa nila laban kay Governor Antonio Kho.
Sa kanilang Affidavit of Desistance, kapwa sinabi nina Jay Alfaro at Ruben Fuentes ng Masbate Quad Media Inc. na wala silang nakitang sapat na batayan para ituloy pa ang mga kasong graft, malversation of Public funds, at mga administrative cases laban sa gobernador.
Ito ay dahil nakakuha sila ng kopya mula sa Commission on Audit (COA) na nagpapatunay na walang nangyaring ghost project mula sa 21 proyekto ng pamahalaan.
Nagkaroon lamang daw ng misrepresentation sa naturang usapin matapos sabihin ng COA na may mga kailangang dokumento lamang na dapat isumite ang Provincial Government ng Masbate kaugnay sa mga proyekto.
Binanggit din ng dalawang mamamahayag na hindi lamang agad nila nakita ang kopya ng mga dokumento na isinumite ng Pamahalaang Panlalawigan ng Masbate sa COA.
Dahil sila ay naliwanagan na sa mga isinumite na mga dokumento, hiningi nila sa Office of the Ombudsman for Luzon na ibasura o i-dismiss ang kanilang kasong isinumite laban kay Gov. Antonio Kho.
Bukod sa mga kasong isinampa sa gobernador, binawi na rin nila ang mga kasong isinampa laban sa Provincial Treasurer, Provincial Accountant, Provincial Engineer, at mga myembro ng Bids and Awards Committee ng Masbate.
Nilinaw din nila na walang pumilit o harassment na ginawa sa kanila para iurong ang mga kaso laban kay Gov. Antonio Kho at kusa nila itong ginawa matapos malaman ang katotohanan. | ulat ni Mike Rogas